Tacloban: Muli Nating Bisitahin (Tacloban: A Revisit)
Ang Tacloban ay isang mataas na urbanisadong lungsod at ang pinakamalaking siyudad sa Eastern Visayas. Ito ay tahanan ng tinatayang 242,089 na tao at itinuturing na sentro ng rehiyon. Ayon sa Asian Institute of Management Policy Center noong 2010, ang Tacloban ay pang lima sa pinaka competitive na siyudad sa buong Pilipinas, at noong 2020 DTI Ranking ng mga Highly Urbanized Cities, pang anim ang Tacloban sa mga itinalang mas umunlad na lungsod sa buong Pilipinas.
Kahit pa man nakaranas ng delubyo dulot ng napakalakas na bagyong Yolanda noong 2013 ang Tacloban, kung saan maraming buhay ang nawala at nasira ang halos lahat ng tahanan, gusali at mga makasaysayang istruktura sa lugar, naging malaki ang pagbabago ng siyudad pagkatapos ng napakalakas na bagyo. Ang lungsod ay muling bumangon, maraming mga bagong establisyemento kagaya ng mga hotel, restaurants at malls ang itinayo, naayos at mas pinaganda ang mga makasaysayang istruktura at pasyalan sa lugar, at ang mga tao naman ay naging mas matatag.
Table of contents
Paano Makakarating sa Tacloban?
Thru the Daniel Z. Romualdez Airport
Ito ang pangunahin at mabilis na paraan upang makarating ng Tacloban mula Manila at Cebu. Meron din naman direktang flight mula sa iba pang airport sa bansa kagaya ng mula sa Angeles City at Iloilo City. Maari ding makapunta ng Tacloban mula sa iba pang airport na malapit dito kagaya ng sa Calbayog City at Catarman.
Thru Bus
May mga bus kagaya ng DLTB at Philtranco ang mayroong araw-araw na biyahe galing Manila papuntang Tacloban. Maaaring bumili ng ticket sa bus terminal ng Cubao o Pasay sa Manila o di naman kaya ay bumili ng ticket online. Tinatayang mahigit 24 oras ang biyahe sa pamamagitan ng bus, kaya naman maghanda para sa mahabang biyaheng ito.
Mode of Transportation within Tacloban City
Ang mga pribadong sasakyan ay maaring makapasok sa pangunahing kalsada at mga kalye sa siyudad. Ang mga pampublikong sasakyan naman gaya ng jeepney, multicab, at bus na mula sa karatig bayan o munisipyo ay hanggang sa mga pangunahing kalsada lamang. Upang mapuntahan ang mga kalye sa loob ng siyudad, mayroong mga traysikel na pweding masakyan sa halagang 10-50 pesos na pamasahe. Noong 2018, pinalawak sa Tacloban ang GrabTaxi service na isang online transport booking service, ngunit dahil sa mas pabor parin ang mga lokal sa nakasanayang transportasyon sa siyudad, ang mga taxi dito ay hindi pa karamihan sa ngayon.
Kung ito ay ang una mong pagbisita sa Tacloban at gusto mong mamasyal at maglibot sa siyudad, mas makikilala mo ang lugar, mga tao at kultura dito kung ikaw ay maglalakad sa siyudad, o pwede rin namang gumamit o mag arkila ng pribadong sasakyan.
Makasaysayang Lugar at Mga Pasyalan sa Tacloban
San Juanico Bridge
Ang pamosong Tulay ng San Juanico ay ang pinakamahabang tulay sa Pilipinas na nagkokonekta sa isla ng Leyte at Samar. Itinayo ito noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos para sa kanyang asawang si Imelda Marcos na orihinal na taga Leyte. Ito ay may habang 2.16 kilometro na ginawa sa loob ng apat na taon at opisyal na binuksan noong July 2, 1973. Naging kontrobersyal ang pagpapagawa ng tulay na ito noon, pero sa paglipas ng panahon, naging pamosong atraksyon ito sa mga lokal at mga dayuhan at naging importanteng istruktura para sa ekonomiya ng siyudad ng Tacloban.
Kanhuraw Hill
Ang Kanhuraw Hill ay isang maliit at mataas na parte ng siyudad kung saan itinayo at matatagpuan ang Tacloban City Hall at ang Kanhuraw Business Center. Pinapasyalan ito ng mga tao lalo na sa umaga at sa hapon dahil kahit ito ay nasa siyudad, malalanghap mula dito ang sariwang hangin at nakakarelaks ang maberde nitong kapaligiran. Mula sa itaas ng Kanhuraw Hill, makikita ang Cancabato Bay at Balyuan Park.
Cancabato Bay at Balyuan Park
Makikita sa kahabaan ng Magsaysay Boulevard sa siyudad ang Balyuan Park at mahinahong Cancabato Bay. Ang Balyuan Park ay isang makasaysayang lugar para sa mga taga Tacloban dahil dito naganap at ginugunita kada taon ang ritwal ng Balyuan. Ang ritwal na ito ay isinagawa noong nagpalitan ng imahe ng Sto. Nino ang Samar at Tacloban. Nandito rin ang Balyuan Amphitheater kung saan ginaganap dito ang iba’t ibang aktibidades ng siyudad lalong lalo na sa panahon ng pyesta at mga selebrasyon. Ang lugar na ito ay malimit puntahan ng mga lokal upang mag jogging o ehersisyo o di kaya magpalipas oras o tumambay dahil sa magandang tanawin at sariwang hangin. Masasaksihan din dito ang magandang paglubog ng araw.
Madonna of Japan Memorial Park
Ang Madonna of Japan Memorial Park ay isa rin sa makasaysayang lugar na matatagpuan sa isang dako ng Kanhuraw Hill. Ito ay nakaharap sa Cancabato Bay sa may Magsaysay Boulevard. Ang lugar na ito ay naging kampo ng mga hapon noong panahon ng Pangalawang Pandaigdigang digmaan. Ang memorial park ay itinayo bilang simbolo ng kapayapaan at pagkakaibigan ng mga hapon at pilipino.
Sto. Nino Parish
Ang simbahan ng Sto. Nino sa Tacloban ay isa sa mga makasaysayang istruktura ng siyudad. Ito ay itinayo noong 1596 bilang isang maliit na simbahan ng mga Jesuit. Noong 1860 sa pamamahala ng mga Franciscans, ang maliit na simbahan ay pinalaki at binigyan ng bagong disenyo gawa sa adobe at batong koral. Karamihan sa mga taga Tacloban ay mga Katoliko at debuto sa simbahang ito dahil nandito ang naghihimalang Sto. Nino. Noong 2013 ng rumagasa ang Bagyong Yolanda, nagkaroon ng malaking pinsala ang simbahan, ngunit sa tulong ng mga donasyon, ito ay naisaayos at mas pinaganda pa noong 2014.
Sto. Nino Shrine and Heritage Museum
Ito ay itinayo ni Presidente Ferdinand Marcos at isa sa 29 rest house ng pamilya sa Pilipinas. Pero ang lugar na ito ay higit na masasabing isang museo kaysa isang rest house o shrine. Ito ay pinupuntahan lalo na sa mga educational tours dahil pinapakita dito ang iba’t ibang kulay ng kultura ng mga pilipino. Makikita dito ang mga koleksyon ng pamilyang Marcos ng mga antique, mga pinta ng mga pamosong pintor, at iba’t ibang mamahalin at magagarang koleksyon ng pamilya mula sa iba’t ibang bansa. Mayroon bayad ang pagpasok sa Sto. Nino Shrine and Heritage Museum at mayroong tour guide na itatalaga para sa paglilibot sa buong mansion. Ang lugar ay bukas lunes hanggang biyernes mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
People Center Library
Ang People Center Library ay importanteng istruktura hindi lamang para sa mga taga Tacloban kundi sa buong Leyte. Itinayo ito noong 1979 sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos. Ang gusali ay may malaking espasyo sa una at ibabang bahagi nito kung saan ito ay ginagamit na lugar ng mga selebrasyon at mga importanteng okasyon gaya ng pagtatapos ng pag-aaral, mga konsyerto, pag-iisang dibdib at iba pa. Sa ikalawang palapag naman matatagpuan ang malawak na aklatan na tinatayang may 55,000 na aklat at mga nobela ng mga pamosong manunulat gaya ni William Shakespeare, Mark Twain, James Joyce at marami pang iba. Makikita at mababasa rin dito ang orihinal na kopya ng libro ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere. Pagkatapos ng Bagyong Yolanda hanggang sa ngayon, ang aklatan ay hindi na naayos dahil sa kakulangan ng pondo para dito, ngunit mayroong mga pribadong organisasyon sa leyte na nagsusulong at naghahangad na ito’y ma salba at maisaayos.
MV Eva Jocelyn
Ito ang barkong sumadsad sa isang barangay sa Tacloban noong panahon ng bagyong Yolanda. Ginawa itong memorial park para sa mga daan daang tao na nawalan ng buhay noong kasagsagan ng malakas na baygo. Tuwing anibersaryo ng Yolanda, nag-aalay ng misa, bulaklak at kandila para sa mga nasawi ang gobyerno sa memorial park na ito.
Pintados at Kasadyaan Festival
Ang Pintados ay isang selebrasyon ng kultura at reliyon na inaalay sa Sto. Nino (Baby Jesus). Pinag-isa ito sa Kasadyaan Festival na idinaraos tuwing June 29, ang pyesta sa lungsod. Ito ay linalahukan ng iba’t-ibang lungsod sa Leyte at Samar upang ipakita at ipagmalaki ang tradisyon, kasaysayan ng kani-kanilang lugar. Napakakulay at napakasaya ng tradisyon na ito para sa mga taga Tacloban, makasaysayan at importante ito kaya naman parati itong pinaghahandaan ng lungsod.
Hotels, Restaurant at Malls sa Tacloban
Hotels
Hotel XYZ
Itinayo noong 2013, ang Hotel na ito ay may moderno at masayang awra na binabalik balikan ng mga manlalakbay at kliyente nito. Ang mga kwarto ay malaki ang espasyo at malinis. Ang hotel ay may mga pasilidad gaya ng swimming pool, fitness gym, spa, restaurant, at mga function halls. Ang akomodasyon dito ay nagkakahalaga mula 1,900-5,900 pesos.
Ironwood Hotel
Isa sa mga magarang hotel sa Tacloban na malimit puntahan ng mga bakasyonista. Ito ay matatagpuan sa sentro ng siyudad. Ang pangalan ng hotel ay hango sa pangalan ng pinakamatibay na kahoy sa Pilipinas, ang Mangkono. Noong bagyong Yolanda ay napatunayan ang tibay nito, ito ay nanatiling nakatayo noong kasagsagan ng bagyo at kahit man may nasira na mga pasilidad dito, ang matibay pundasyon nito ay nanatili. Ang akomodasyon dito ay nagkakahalaga mula 3,250-5,000 pesos. May restaurant, spa at bar sa hotel na ito.
ZPad Residences
Isa sa mga budget hotel na pamoso sa mga manlalakbay sa Tacloban. Malinis at maayos ang mga kwarto at may pasilidad kagaya ng TV, aircon, free wifi, breakfast, at free parking. Malapit ito sa isang mall, hospital at pamosong fast food chain. Ang akomodasyon dito ay nagkakahalaga mula 1350-3700 pesos.
Marami pang ibang bago at magagandang hotel ngayon sa Tacloban na pweding pagpilian depende sa inyong kailangan. Nandiyan ang Go Hotels, Summit Hotel, Reddoorz at iba pa.
- Ocho Seafood Grill
Sinasabing ito ang da best na seafood restaurant sa siyudad. Makasisigurong presko ang pagkain dahil ang mga bisita mismo ang pipili ng preskong seafood na ihahanda. Ngunit hindi lamang mga seafood ang niluluto ng pamosong kainan na ito, naghahanda din dito ng mga lutong pinoy na binabalik balikan hindi lamang ng mga lokal kundi pati narin ng mga turista. Ang presyo ay makatwiran naman dahil hindi mo pagsisihan ang pagkain dito.
- Dream Cafe
Isa rin sa mga paboritong puntahan ng mga taga siyudad at mga turista ang restaurant na ito. Kung gusto mong makatikim ng mga de kalidad na lutong pinoy at iba pang asian food, worth a try ang Dream Cafe . Maliban sa lutong pinoy, nagluluto din dito ng lutong australian. Marami ding iba’t ibang klase ng inumin mula sa mga cocktail, wine, whiskey at gin na pagpipilian.
- Guiseppe’s
Kung ikaw ay mahilig sa italian food, ang Giuseppe’s ay nangunguna sa lista ng magandang kainan. Malinis at komportable ang kainan at kapanapanabik ang pagkain sapagkat ito’y maamoy mula sa dining area habang niluluto. Ang may-ari ng restaurant ay isang italian at ang mga pampalasa na ginagamit ang galing pa sa ibang bansa.
- Patio Victoria
Kung gusto mo naman ng restaurant na malapit sa dagat, ang Patio Victoria ay isa sa pwede mong puntahan. Ito ay malapit sa airport ng Tacloban, tahimik, nakakarelax at makikita mula dito ang maliit na isla ng Deo. Mula sa simpleng salo-salo gaya ng breakfast, lunch at dinner, nagseserve din sila para sa malakihang pagtitipon o okasyon. Pwede ring magligo sa dagat at swimming pool dito.
- Malls
Malls
Pagkatapos ng bagyong Yolanda noong 2013, maraming mga bagong malls ang itinayo sa Tacloban. Bago pa man, mayroon ng Robinsons Place bilang pinakamalaking mall at mayroong dalawang gusali sa siyudad. Mayroong SM Savemore, Metro, at Gaisano Malls din. Ang mga malls na ito ay nasa mga lokasyon sa siyudad na madaling ma-access ng mga manlalakbay.
Pamosong
(Food and Delicacy in Tacloban)
Dahil ang Tacloban ay itinuturing na sentro ng rehiyon, matatagpuan mo dito ang mga paboritong pagkain hindi lang ng mga taga siyudad kundi pati narin ng mga taga Samar at Leyte at iba pang parte ng Visayas. Kung ikaw ay bibisita sa Tacloban, huwag mong palagpasin ang pagtikim sa mga pamosong pagkain dito.
Ang paboritong kakanin na ito ay gawa mula sa kombinasyon ng taro, gatas, asukal, gata at itlog. Inilalagay ito sa kalahating bao ng niyog at binabalot ng dahon ng saging at niluluto. Ito ay matamis at malagkit at ang lasa ay kakaiba at talagang hahanap hanapin.
Ang suman ay gawa sa malagkit na bigas na niluluto at binabalot ng dahon ng saging. Maraming klase at bersyon ng suman ang mayroon sa Visayas, ang iba ay matamis at linalagyan ng latik, at ang iba naman ay simpleng malagkit na binabalot ng dahon ng saging. Ngunit kahit anu pa man ang bersyon ng suman basta galing at ginawa sa Visayas, patok na patok ito sa mga salo salo at mga dumadayo sa siyudad.
Ang Muron ay isa sa mga pangunahin at pamosong kakanin sa Leyte na pwedeng mabili sa downtown ng Tacloban. Kung ang suman ay gawa sa malagkit na bigas o kanin, ang Muron ay gawa rin sa bigas ngunit ito muna ay giniling. Mas malambot din ang muron at pinaghalong chocolate at vanilla flavor. Ang special na Muron ay nilalagyan naman ng cheese at mani. Sobrang nakakatakam at hindi dapat palampasin kung ikaw ay bibisita sa Tacloban.
Tacloban Konklusyon
Ang Tacloban ay isa sa mga lugar sa Visayas na dapat puntahan ng mga manlalakbay. Ang makulay na tradisyon at kultura ng mga Pilipino ay buhay na buhay sa siyudad na ito. Maraming mga istruktura at lugar ang nandito na naging parte ng kasaysayan ng Pilipinas na hindi mo dapat palampasin na bisitahin. Kahit paman dumanas ng pagsubok, at delubyo, naging mas matatag at naging progresibo ang siyudad. Kahit ngayon na may pandemya, patuloy na nagiging matatag ang komunidad kasabay ng striktong pag-iingat ang pinapapatupad sa lungsod, kaya kung ikaw ay may planong bumisita sa lungsod, alamin kung ito ba ay kasalukuyang pinahihintulutan at maging maingat. Gayunpaman, nakakapanabik at siguradong ang paglalakbay o pagbisita dito sa Tacloban ay isang karanasan na hindi kailanman makakalimutan. Visit the local government website.